0 Comments
Isa sa mga pinakamahalagang bagay sa mundo ay ang kalusugan ng tao. Kapag may sakit ang isang bata, hindi ito nakakapasok sa paaralan at kapag may sakit naman ang ama o ina ng pamilya, hindi naman ito nakakapasok sa trabaho.
Ito ang dahilan kung bakit hindi pwedeng pabayaan lamang ng ating pamahalaan ang isyu ng kalusugan dahil malaki ang magiging epekto nito sa laban natin sa kahirapan. Alam mo ba na ang may responsibilidad para sa mga programang pang kalusugan ng inyong komunidad ay ang inyong lokal na pamahalaan? Ang Department of Health (DOH) ay gumagawa lamang ng mga polisiya pero ang talagang nagpapatupad ng mga proyekto at programa na pang kalusugan ay responsibilidad ni Mayor at ng iba pang opisyal sa inyong lokal na pamahalaan. Kung maayos at magaling si Mayor, hindi malayo na maganda rin ang mga programang pang kalusugan na kanyang maipapatupad sa inyong lugar. Halimbawa na rito si dating Mayor Baby Congco ng Cabiao, Nueva Ecija na dahil sa kanyang husay ay nagawa niyang magkaroon ng programa ang tanyag na St. Luke’s Medical Center sa kanyang lugar. Dahil sa programang ito mas gumanda ang serbisyo ng kanilang mga health center at mas madalas na magkaroon ng doktor sa kanilang lugar. Isa pang magandang halimbawa ay si Mayor Alfredo Coro ng Del Carmen, Surigao del Norte na napababa ng husto ang bilang ng mga namamatay na kababaihan dahil sa panganganak. Sa kanyang programa ay binibigyan niya ng tamang edukasyon ang mga buntis para mas maging maayos ang kanilang panganganak. Sa tingin ko ay marami pang mga ibang Mayor at lokal na pamahalaan na tulad nina Mayor Congco at Coro kaya naman naglunsad ang Kaya Natin! Movement, Jesse Robredo Foundation at ang MSD ng 3rd Champions for Health Governance Awards para sa taong 2017. Ang programang ito ay nagbibigay ng parangal sa mga lokal na pamahalaan na may mga magagaling na programang pangkalusugan sa kanilang komunidad. Ang mananalo rito ay makakatanggap ng P100,000 na pwede nilang magamit para mas marami pa silang matulungan. Kung may kilala kayong lokal na pamahalaan na dapat parangalan, tumawag lamang kayo sa (02) 256-1446 para magtanong kung paano sumali sa programang ito. Sa pamamagitan nito ay mas dumami pa sana ang mga Mayor na bibigyan ng prayoridad ang kalusugan sa kanilang bayan. By; Harvey Keh http://www.abante.com.ph/kaya-natin-kampeon-ba-ng-kalusugan-ang-mayor-mo.htm |
Updates!Get in the loop for the latest news about the Champions for Health Governance Awards. Archives
March 2019
|